Poems?

Ikaw ang may-akda kung kailan ang aking kaarawan

Maari ba?
Tignan mo ako kung paano ka tumingin sa mga damit sa ukayan
Hawakan mo at higpitan, na para bang isa akong bata na ayaw mong mawalay sa'yong bisig

At kung sakaling, hindi ko na mapigil ang pag tulo ng mga luha dahil sa hirap ng buhay
Patahanin mo ako, tulad ng pagpatahan mo sa'yong mga pamangkin
Yakapin mo at sabihing
"tahan na, wala ka nang dapat ipag-alala, nandito na ako, halika't umuwi na tayo...sa ating tahanan"

Kapag naman hindi na makabangon at hirap nang huminga
Alagaan mo ako, kapareho ng pag-aalaga mo sa'yong mga kuko
Pakainin kagaya ng pagpapakain mo sa'yong aso

At higit sa lahat
Mahalin mo ako ng walang kapalit
Kahit na ang dulot ko na lamang sa buhay mo ay hirap at pasakit

------------------------------------

Tiyak "makasarili" ang ibibintang ng ibang tao kung sakaling mabasa nila ito
Pero mali bang hilingin ko ang mga bagay-
na sa kasalukuyan ay akin ng ginagawa at handa nang gawin sa hinaharap?
Mali ba na naisin kong makakuha ng labis na atensyon, lalo na kung ito'y manggagaling sa'yo?

Di bale, ang kanilang mga paratang ay hindi ko na pagtutuunan ng pansin
Kahit na malamang sa malamang, hanggang imahinasyon lang ito, pinaniniwalaan kong may umiiral na mundo kung saan ang aking saloobin ay dinig mo

Kaya naman, Althea
Inaalay ko sa'yo itong aking buhay
Pebrero, bago ang aking kaarawan ay naging pagmamay-ari mo ako
Alipin na pwedeng gamitin sa anumang paraang gusto mo
Hindi kailanman magsisisi at gabi-gabing dalangin ko-

Nawa'y sa mga susunod na buhay ay muli't muli tayong magtagpo
Nang sa gayo'y paulit-ulit kong maranasan, na tila ba sa unang pagkakataon, ang masulyapan ang mapupungay mong mga mata at mahulog sa mamula-mulang mong mga labi

*...papasok sa pampublikong banyo,
habang ang malakas na sigawan sa labas ay binabalot ang paligid natin...
Boses mo lang ang aking napansin*

At pang huli
Sa araw araw, bago mo ipikit ang iyong mga mata upang makapag pahinga
Lagi mong pakakatandaan
Nagpapasalamat ako at nagkrus ang ating landas
Mahal kita at walang sinuman ang makakapagpabago nito
Hindi ang Diyos, kalikasan, sanlibutan, o kamatayan
Mahal kita at walang sinuman ang makakapagpabago nito


Comments

No comments yet.

Leave a comment